Lalaki pinatay sa harap ng asawa't mga anak

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija Isang 25-anyos na mister ang iniulat na nasawi makaraang barilin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa harap mismo ng kanyang asawa’t mga anak sa Curamin Subdivision, Barangay Sibut ng lungsod na ito kamakalawa.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng dibdib ang biktimang si Don Brian Bernardo, empleyado ng San Jose City Hall at residente ng Pabalan Subdivision, Barangay Uno sa naturang lungsod.

Sa isinumiteng ulat ni P/Supt. Julio De Luna, police chief ng San Jose City, naganap ang krimen bandang alas-12:10 ng gabi habang ang biktima kasama ang kanyang mag-iina ay pasakay ng traysikel mula sa birthday party.

Sa hindi pa nabatid na dahilan ay nilapitan ng dalawang hindi kilalang lalaki ang biktima saka isinagawa ang krimen bago naglahong parang bula sa dilim. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments