Anim na tama ng bala ng kalibre .45 baril ang tumapos sa buhay ni Apolinario "Polly" Pobeda, 35, binata, broadcaster ng CONAMOR Broadcasting Company (DWTI-AM) at residente ng Capitol Homesite sa nabanggit na barangay.
Base sa ulat ni SPO3 Marcelino Uy, naitala ang pananambang dakong alas-6 ng umaga makaraang harangin ng dalawang nakamotorsiklo ang sinasakyang motorsiklo ng biktima sa riles.
Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na patungo sana ang biktima sa pinapasukang broadcast satellite station nang tambangan ng mga bayarang mamamatay-tao.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, si Pobeda ay pangunahing kritiko ni Lucena Mayor Ramon Talaga at Quezon Governor Wilfrido Enverga at may ilang buwan na umanong nakatatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Samantala, maagap namang nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng biktima si Lucena Mayor Ramon Talaga kasabay ng pagsabing wala siyang kinalaman sa pangyayari.
Idinagdag pa ni Mayor Talaga na maaaring pinatahimik ang biktima ng ilang personalidad na malimit niyang birahin sa programang "Nosi Balasi" at posibleng ginawa ang pananambang para ibaling sa kanya ang krimen.
Si Pobeda ay pangalawang napatay na mamamahayag sa Quezon at ika-43 sa talaan na pinatahimik sa bansa. (Ulat nina Tony Sandoval, Celine Tutor at Arnell Ozaeta)