Bagong graduate na coed ni-rape/slay

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – May posibilidad na hinalay muna bago pinatay ang isang bagong graduate na estudyante ng mga mandurugas na lango sa droga makaraang pasukin ang bahay ng biktima sa Barangay Habay, Bacoor, Cavite kahapon ng umaga.

Ang biktimang si Catherine Bayhon Velasco, 21, ng Block 2 Lot 9, Perpetual 8 ng nabanggit na barangay ay natagpuan ng kanyang ina sa loob ng kuwarto na walang saplot at patay na.

Nawawala rin ang cellphone ng biktima at hindi nabatid na halaga na pinalalagay na tinangay ng rapist matapos na wasakin ang bintana ng kuwarto nito.

Base sa pagsisiyasat ni SPO1 Rodolfo Arboleda, nadiskubre ang bangkay bandang alas-5:30 ng umaga matapos na paulit-ulit katukin ng ina ang pintuan ng kuwarto kaya sapilitang binuksan.

Napag-alaman pa sa pagsisiyasat na tinakpan ng panyo ang bibig ng biktima saka isinagawa ang maitim na balak na naging sanhi para mamatay sa suffocation ang biktima.

May palagay naman ang pulisya na madaling-araw isinagawa ang krimen habang natutulog ang mag-ina sa kanilang bahay. (Cristina G. Timbang at Lanie M. Sapitanan)

Show comments