2 tulak itinumba

GAPAN CITY, Nueva Ecija – Dalawang lalaki na pinaniniwalaang mga drug pusher ang iniulat na pinagbabaril ng vigilante habang ang mga biktima ay nakasakay ng traysikel sa tapat ng department store sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Bayanihan sa lungsod na ito kamakalawa ng madaling-araw.

Idineklarang patay sa Good Samaritan Hospital ang mga biktimang sina Joselito T. Parial, 34, ng Brgy. Inang-Bayan at John V. Labios, 29, ng Brgy. Sto. Cristo, kapwa walang trabaho.

Nasugatan naman ang drayber ng traysikel na si Darcy Pineda, 18, matapos na ratratin ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki ang sinasakyang trike ng mga biktima.

Sa imbestigasyong isinumite kay P/Supt. Benjamin dela Cruz, police chief sa lungsod na ito, naitala ang pangyayari dakong alas-3:30 ng madaling-araw makaraang harangin ng mga vigilante ang sinasakyang traysikel ng dalawa.

Napag-alaman pa na nasa listahan ng pulisya ang dalawa bilang mga drug pusher at pinalalagay na itinumba ng grupong vigilante.

Narekober sa bulsa ni Parial ang 0.20 gramo ng shabu habang nagkalat naman sa pinangyarihan ng krimen ang 12 basyo ng M-16 na ginamit sa pananambang. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments