Estudyante hinalay sa harap ng nobyo

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija – Isang 18-anyos na estudyante ang iniulat na hinalay sa harap ng kanyang nobyo saka pinagnakawan ng tatlong hindi kilalang lalaki habang ang dalawa ay nagpapahinga sa madilim na bahagi ng irrigation canal na sakop ng Barangay Malasin sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Dumulog sa himpilan ng pulisya kasama ang ilang opisyal ng barangay ang dalawang biktimang itinago sa pangalang Eunice, 2nd year high school at kasintahan nitong si Reggie na kapwa residente ng Zone 1, Barangay Tondod sa lungsod na ito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagkaisa ang magkasintahan na magpahinga sandali sa naturang lugar mula sa pamamasyal sakay ng scooter.

Ilang sandali pa ang nakalipas ay biglang sumulpot ang mga suspek na may takip sa mukha sabay na tinutukan ng patalim ang magkasintahan saka nilimas ang suot na alahas.

Bago tumakas ang mga suspek ay napagtripang halayin ang babae sa harap ng kanyang nobyo bago kinuha ang scooter na pag-aari ni Cesar Esteban. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments