Sulyap Balita

Mister patay, mag-ina sugatan sa ambush
SARIAYA, Quezon – Isang 33-anyos na mister ang iniulat na nasawi, samantala, sugatan naman ang mag-ina makaraang tambangan ng kanilang kapitbahay habang naglalakad papauwi ang mga biktima sa Barangay Castañas sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Si Reynaldo Arandia ay nasapol sa unang bugso ng putok habang ang kanyang mag-inang sina Rosalie, 32, at Enrique Arandia,14, ay inoobserbahan sa hindi tinukoy na ospital.

Nadakip naman ang suspek na si Jeremy Laracat, 25, matapos isagawa ang krimen bandang alas-8:15 ng umaga na pinaniniwalaang may matinding galit sa pamilya Arandia. (Ulat ni Tony Sandoval)
Obrero tinodas sa shabu session
CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Pinaniniwalaang napagtripang patayin ang isang obrero ng kanyang mga naka-shabu session sa loob ng sariling bahay sa Barangay Pulborista Binakayan, Kawit, Cavite kamakalawa ng gabi.

Nadiskubre ang bangkay ni Edito Ito bandang alas-7:30 ng umaga kahapon sa loob ng tinitirhang bahay sa nabanggit na barangay, samantala, hindi naman nakilala ang mga suspek na pinalalagay na lango pa sa shabu.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na bago tumakas ang mga suspek ay kinuha pa ang cellphone, telebisyon, radyo at ibang gamit ng biktima. May teorya ang pulisya na onsehan sa droga ang naging ugat ng krimen. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
12 nasakote sa sex den
BOCAUE, Bulacan – Labindalawang kababaihan ang iniulat na dinakip ng pulisya sa isinagawang pagsalakay sa prostitution den sa kahabaan ng McArthur Highway na sakop ng Barangay Lolomboy sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang mga nasakoteng babae na nagbebenta ng aliw na sina Giselle Castañares, Agnes Llagas, Shiela Mae Tan, Kathlene Rose Realubin, Aida Logranio, Margie Santos, Mercy Alfon, Rosalie Armamento, Ana Marie Ramos, Michelle Reyes, Larcival Vargas, tumatayong bugaw at isang alyas Mama Sang na tumatayong maintainer ng sex den.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya na ang mga dinakip na kababaihan ay nagmula sa iba’t ibang bayan sa Kabisayaan na pinaniniwalaang ni-recruit saka ipinasok sa naturang lugar. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments