Ina, 5 anak na wanted nalambat

ANGELES CITY, Pampanga – Nagwakas din ang matagal na modus operandi ng notoryus na gang na kinasasangkutan ng ina at lima nitong anak makaraang sunud-sunod na arestuhin ng pulisya sa lungsod na ito.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Rommel, Rodel, Rogelio, Rodolfo, Danilo at ang kanilang ina na si Corazon dela Cruz at kaibigang si Robert Gamboa na pawang may mga kasong murder, robbery, illegal possession of firearms, shabu, frustrated murder, cellphone snatching at frustrated homicide.

Ayon kay P/Chief Supt. Jimmy Restua, police chief ng Angeles City, unang dinakip si Corazon noong Sabado matapos na itakin si PO3 Jose Ibasco dahil sa tangkang arestuhin ang kanyang dalawang anak.

Sina Rodolfo, Rogelio, Danilo dela Cruz at Robert Gamboa ay nakorner sa kanilang pinagkukutaan sa Concepcion, Tarlac noong Lunes dakong alas-3 ng hapon.

Samantala, sina Rommel at Rodel ay nalambat naman noong Marso 29 sa Barangay Amsic. Pinaniniwalaang ang pamilya Dela Cruz ay responsable sa pagpatay kay Miguel Umlayao noong Pebrero 2, 2003. (Ulat ni Ding Cervantes)

Show comments