8 NPA patay sa bakbakan

CAMP AGUINALDO – Walong rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kumpirmadong napatay sa panibagong bakbakang sumiklab sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa kagubatan ng Sitio Ngasngas, Barangay Dinadiawan, Dipaculao, Aurora kamakalawa ng hapon.

Ayon sa ulat ni Major General Alberto Braganza, commander ng Army’s 7th Infantry Battalion, nakasagupa ng mga sundalong mula sa 70th Infantry Battalion ang may 30 rebelde sa nabanggit na kagubatan habang nagsasagawa sila ng combat patrol.

Wala namang iniulat na napatay sa panig ng mga sundalo at narekober ang apat na malalakas na kalibre ng baril, walong backpacks at mga dokumento mula sa pinangyarihan ng bakbakan.

Ayon pa sa ulat na namataan ng mga residente ang mga tumatakas na rebelde na bitbit ang kanilang nasawing kasamahan, ngunit wala namang narekober na bangkay maliban sa naiwang armas.

Tumagal ang sagupaan ng isang oras bago nagsiatras ang mga rebelde matapos matunugang nalagasan na sila ng walo.

Ito ang ikalawang madugong bakbakan sa naturang rehiyon sa nakalipas na araw.

Noong 2001, magugunitang sinuspinde ng gobyerno ang peace talks laban sa NPA rebels matapos na tumanggi sa bagong plano na sumuko ang mga rebelde.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments