Presong praning tumakas

BATANGAS CITY –Isang preso na sinasabing may pagkukulang sa pag-iisip ang nagawang makatakas matapos itong utusan na umigib ng tubig ng jail guard kamakalawa.

Ang nakatakas na preso ay nakilalang si Rogelio Regala, 18, binata, may kasong rape at nakatira sa lungsod na ito.

Batay sa ulat, nabatid lamang na nakatakas ang preso ng magsagawa ng head count sa naturang piitan bandang alas-8 kamakalawa ng gabi.

Pilit namang itinago sa mga mamamahayag ang nasabing insidente ng officer-in-charge ng jail na si Atty. Genaro Cabral bagkus ay sinasabing nagpapagamot lamang si Regala sa V. Luna Hospital.

Napag-alaman na ang mga nakatalaga umano sa piitan ng makatakas si Regala ay ang mga jail guards na sina Narciso Panaligan at isang Velasco.

Magbibigay naman ng kanyang opisyal na pahayag kaugnay sa insidente si Atty. Cabral sa darating na Lunes upang tukuyin kung sino ang responsable sa pagtakas ni Regala. (Ulat ni Arnel Ozaeta)

Show comments