Kaso ng mag-asawang pinatay tinutulugan ng korte

Walang aksyong ginagawa ang kapulisan ng General Mariano Alvarez, Cavite sa kaso ng dalawang lalaki na responsable sa pagpatay sa mag-asawang matanda noong Disyembre 2002.

Sa liham na ipinadala ni Leah Alas-Rimel sa PSN, ang kaso ng kanyang magulang na sina Jesus, 77 at Pedelina Alas, 78, ay brutal na pinatay sa loob ng sariling bahay sa Barangay Poblacion Uno ng naturang lugar at kasalukuyang nakabinbin sa 5th Municipal Circuit Court sa Carmona, Cavite sa sala ni Municipal Trial Court Judge Maria Rosario B. Ragasa.

Ayon kay Leah, bago siya pumalaot patungong US noong Enero 12, 2003 ay tinungo niya ang nabanggit na korte upang usisain ang kalagayan ng kaso ng dalawang killer ng kanyang magulang.

Sinabihan daw siya ng korte na hinihintay nila ang ulat ng kapulisan na mag-isyu at i-subpoena ang dalawang akusadong sina Rolando Perez at Rolly Quintana at binigyan ng palugit na sampung araw pero hanggang ngayon ay walang katugunan.

Sinulatan din ni Leah ang chief of police ng GMA na si Roque Paredes noong Enero 20, 2003 pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kasagutan kung kailan ang hearing ng kaso.

Maging si GMA Mayor Walter D. Echavarria Jr. ay hiningan na rin ni Leah ng tulong noong Pebrero 25, 2003, ngunit walang tugon.

Sa kasalukuyan ay naghihintay na lamang si Leah ng kasagutan mula sa mga kinauukulan at pinalalagay na nakalimutan na hanggang sa mabura sa isipan ng mamamayan. (Ulat ni Mario D. Basco)

Show comments