Lalaki tinodas ng karibal

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Isang 28-anyos na lalaki ang kumpirmadong nasawi makaraang saksakin ng kanyang karibal sa panliligaw habang ang biktima ay naglalakad papauwi sa Barangay Medicion, Imus, Cavite kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay sa Our Lady of Pillar Medical Center si Reynaldo Cadiente ng Barangay Poblacion ng naturang lugar, samantala, ang suspek na mabilis tumakas ay nakilalang si Pablito Bereno, 33, ng Barangay Aplaya, Kawit, Cavite.

Napag-alaman na ang dalawa ay kapwa may asawa at magkaribal sa panliligaw sa isang dalaga na hindi na binanggit ang pangalan.

Ayon sa ulat ng pulisya, natiyempuhan ng suspek ang biktima na papalabas ng bahay ng nililigawang dalaga kaya inabangang makalayo saka isinagawa ang krimen. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments