4 kotongero timbog sa entrapment

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng pangongotong sa mga residente at negosyante ang iniulat na inaresto ng mga alagad ng batas sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Bayog, Los Baños, Laguna kamakalawa.

Hindi na nakapalag pa ang mga suspek na sina Benigno Vera, Arnel Lagumbay, Elmer Vera at Manuel Agrabante na pawang nagpapanggap na kasapi ng Allied Movement Against Prohibited Drugs, Incorp.

Nakumpiska sa mga suspek ang liham mula sa tanggapan ni Martin Jarmin Jr., municipal administrator ng Los Baños na ginagamit sa pangongotong at marked money ipinain ng mga pulis sa entrapment, ayon sa ulat ng pulisya.

Napag-alaman pa kay P/Chief Supt. Enrique Galang, CALABARZON regional director, bago magsagawa ng modus operandi ang mga suspek ay nagpupunta ang grupo sa opisina ng mga alkalde upang humingi ng certification of appearance para maipakita sa mga bibiktimahin na lehitimo ang kanilang pakay.

Lingid sa kaalaman ng apat ay may reklamo na ang mga residente sa himpilan ng pulisya tungkol sa kanilang modus operandi.

Kaya bandang alas-11 ng umaga nang maaktuhang ang mga suspek. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments