2 pulis, 5 pa timbog sa shabu

CAMP CRAME – Pito-katao kabilang na ang dalawang pulis mula sa Samal at Tawi-Tawi ang iniulat na dinakip ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lalawigan.

Nakilala ang mga suspek na sina SPO1 Eran "Casti" Castillo, 42, na nakatalaga sa Samal police station; PO1 Alsidar Allasa Maindan ng 1517th PNP Mobile Group, Sapa, Sapa, Tawi-Tawi; Regina Castillo, 34, asawa ni SPO1 Castillo; Penyon Uhad Putih, Pupong Mohammad Uhad, Nor Tho Uhad at isang alias Ebing.

Unang isinagawa ang buy-bust sa bahay ng mag-asawang Castillo sa Block 26 Lot 30B, Sta. Monica Village, Barangay San Nicolas, San Fernando City Pampanga.

Nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis at sa aktong iniaabot ang pera kapalit ng droga ay kaagad na dinakip ang mag-asawang Castillo na nakumpiskahan ng tatlong gramo ng shabu.

Gayundin ang isinagawang operation ng mga operatiba ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakumpiska naman ng droga sa isinagawang buy-bust laban kay Maindan at apat nitong kasama.

Makaraan ng buy-bust narekober ang tatlong gramo ng shabu, tatlong M-16 armalite rifle, dalawang M79 grenade launcher, kalibre 45 baril at iba’t ibang uri ng bala ng baril.

May teorya ang mga alagad ng batas na ang grupo ni Castillo at Maindan ay responsable sa pagpapakalat ng droga at baril sa kanilang nasasakupang lalawigan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments