13-anyos nangidnap ng paslit

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – May posibilidad na ginaya ng isang 13-anyos na batang lalaki ang napapaulat na kidnapping sa bansa matapos na dukutin nito ang tatlong taong gulang na bata habang naglalaro ang biktima sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Marquez Binakayan, Kawit, Cavite kahapon ng umaga.

Pormal na kinasuhan ng kidnapping ang suspek na itinago sa pangalang Edgar dahil sa menor-de-edad, samantala, ang biktima na kaagad naman naisauli ng tiyahin ng suspek ay nakilalang si Jun-Jun Armeo ng nabanggit na barangay.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Ramon Legaspi, naitala ang pangyayari dakong alas-9:30 ng umaga sa harap mismo ng bahay ng biktima.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na naiwang mag-isa ang biktima na naglalaro sa labas ng kanilang bahay at ilang sandali ang nakalipas ay nawala na ang bata.

Nabahala ang mga magulang ng biktima sa pagkawala ng kanilang anak kaya iniulat sa kanilang barangay chairman.

Makalipas ang may ilang oras ay kusang ibinalik ng tiyahin ng suspek ang biktima at sinabing natuwa lamang ang kanyang pamangkin kaya nito dinala sa kanilang bahay. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments