Mister pinatay sa sayawan

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang 30-anyos na mister ang iniulat na nasawi matapos mapagtripan ng adik sa droga habang ang biktima ay nanonood ng sayawan sa Barangay Kidaco, Daraga, Albay kamakalawa ng gabi.

Bandang alas-11:30 ng gabi nang lapitan ng hindi kilalang adik sa droga ang biktimang si Dante Luces saka inundayan ng saksak sa tagilirang bahagi ng katawan kaya hindi na umabot pa ng buhay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na ang biktima na mula pa sa Barangay Bongalon ay dumayo pa ng kapistahan para manood ng sayawan at hindi inakalang sasalubungin niya si kamatayan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments