NPA handa sa 'resbak' ng kampo ni Kintanar

Nakahanda anumang oras ang pamunuan ng rebeldeng New People’s Army (NPA) kabilang ang kanilang kawal sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa bantang paghihiganti ng mga tauhan ng napatay na dating national kumander ng NPA na si Romulo "Ka Rolly" Kintanar noong Enero 23, 2003.

Sinabi mismo ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, senior spokesman ng makakaliwang kilusan na hindi nababahala ang punong himpilan ng NPA na armed wing ng Communist Party of the Phils. (CPP) sa "resbak" ng mga tauhan ni Kintanar.

Simula pa noong magkawatak-watak ang mga rebelde kabilang na ang grupo ni Kintanar noong 1990s ay patuloy na nagsasagawa nang pag-atake ang mga tauhan ni Kintanar laban sa grupo ng orihinal na NPA rebels.

Isiniwalat pa ni Ka Roger, ang grupong NPA na kumalas sa kanila ay ang Revolutionary Proletarian Army (RPA) ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) na pinamumunuan nina Arturo Tabara, Ricardo Reyes at Benjamin de Vera, pawang dating lider.

Partikular na binanggit ni Ka Roger ay ang grupo ng Alex Boncayao Brigade (ABB) na pinamunuan ni Nilo dela Cruz na ngayon ay ginagamit ng militar at pulisya laban sa kanila.

"Sila’y mga traidor makakaliwang kilusan at nagkasala sa taumbayan kaya hinatulan sila ng people’s court ng kamatayan," ani Ka Roger.

Ipinahayag din ni Ka Roger na ang kumalas na grupong rebelde ay patuloy na nagsisilbing "paramilitary groups" ng militar at pulisya katulad ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Central at Northern Luzon, Visayas at Mindanao.

"Kaya hindi na bago ang kanilang pagbabanta sa makakaliwang kilusan," dagdag pa ni Ka Roger. (Ulat ni Benjie Villa)

Show comments