Malupit na guro inireklamo

OLONGAPO CITY Isang guro ng pampublikong paaralan ang inireklamo ng kanyang estudyante dahil sa ginawa umano nitong pagmamalupit matapos siyang sundutin ng baton at kalmutin sa mukha kamakailan sa lungsod na ito.

Ang nagharap ng reklamo ay ang biktimang si Dante Rodriguez, 10 anyos, grade 4 pupil at nakatira sa Barangay Mabayuan, ng lungsod na ito.

Ang ipinagharap ng reklamo ay si Angie Magno, 55 anyos at guro ng Mabayuan elementary school.

Ayon sa pahayag ng biktima na sinamahan ng kanyang inang si Ester kay Mrs. Consuelo Suguitan, principal ng paaralan, noong Enero 20 dakong alas-3:45 ng hapon ng magbiro umano siya sa kanilang klase habang nagtuturo ang kanyang guro.

Sinabi ni Dante, bigla umano siyang sinundot ng hawak na baton saka kinalmot sa mukha ng kanyang guro sa harap ng kanyang mga kamag-aral.

Ayon naman kay Mrs. Rodriguez, nilagnat ang kanyang anak at 2 araw na hindi nakapasok dahil sa ginawang pagmamalupit ng guro nito.

Inamin naman ni Magno na nagawa niyang sundutin ng baton at makalmot ang kanyang estudyante dahil sa pagkabigla sa ginawa nitong pagsigaw sa kanilang klase.

Humingi ng paumanhin ang guro sa mag-ina subalit desidido pa rin ang mga ito na sampahan ng kasong child abuse at physical injury si Magno. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments