Kinilala ni Major Johnny Macanas ang nahuling lider ng MILF rebels na si Commander Ayog Abdullah na nakorner ng mga tauhan ng 8th at 58th Infantry Battalions ng Philippine Army sa pinagtataguan ng mga itong hukay sa loob ng nasabing kampo.
Base sa report, ang Camp Usman ang ginawang alternatibong kuta ng MILF guerillas matapos na bumagsak sa tropang gobyerno ang Camp Abubakar sa Matanog, Maguindanao, ang itinuturing na pinakamalaking kampo ng separatistang grupo sa all-out-war na inilunsad ng pamahalaan noong taong 2000.
Ang may 2,000 hektaryang kampo ng mga rebelde ay matatagpuan sa bulubunduking bahagi sa pagitan ng mga bayan ng Damulog, Bukidnon at sa mga bayan ng Carmen at Arakan sa North Cotabato.
Magugunita na nitong nakalipas na Enero 26 ay nakasagupa ng mga sundalo ang puwersa ng mga rebeldeng MILF at kasunod nitoy nakubkob naman ang Camp Usman sa walang humpay na operasyon laban sa separatistang grupo.
Nasamsam sa operasyon ang isang 50 caliber machinegun, dalawang M-16 rifles, isang M-14 rifle, isang garand rifle, isang bakal na kahon na naglalaman naman ng 50 caliber machinegun at isang magazine na puno ng mga subersibong dokumento.
Sa kabilang dako, pinabulaanan naman ni MILF Spokesman Eid Kabalu na may mga tauhan silang nagkukuta sa Camp Usman. (Ulat ni Bong Fabe)