P40-M Luxury Vehicles nasamsam

Subic Bay Freeport Tatlong mamahaling sasakyan na tinatayang nagkakahalaga ng P40M kabilang ang isang bullet-proof na Mercedes Benz ang nakumpiska ng magkakasanib na elemento ng Customs Police District at Warrant and Motor Vehicles Office ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa magkakahiwalay na lugar sa Bataan at sa naturang freeport ng Zambales kamakalawa.

Sa report ni Enforcement and Security Service-Customs Police District Operations Chief Capt. Marlon Alameda kay Customs Police District Commander Capt. Elpidio "Sonny" Manuel, unang nasamsam ng kanilang mga tauhan ang dalawang unit na Mercedes Benz, isa rito ay bullet proof na Model 2002 fully-automatic, S-600 series at isa pang modernong kulay asul na BMW X-5 Model 2002.

Sinabi ni Alameda na nakapaloob sa tig-isang 40-footer container van ang dalawang imported na smuggled na behikulo na nakumpiska nila sa isang malaking warehouse sa Naval Supply Depot (NSD) at idineklarang pawang mga used-motor vehicles lamang ang nilalaman matapos magsagawa ng "spot-checking" si Custom Special Agent 1 Rico Reyes.

Base sa nakuhang mga dokumento, pag-aari ng isang Pietro Geroue, isang Italian national na nagmamay-ari ng kumpanyang Hidemitsu Inc. na nakabase sa Subic ang bullet-proof na Mercedes Benz.

Samantalang ang isang kulay itim na Mercedes Benz ay pag-aari naman ng isang Maria Victoria Figueroa ng Kalayaan Housing, Subic Bay Freeport at ang BMW naman ay naka-consign sa Subic Boardwalk-Inn, isang rehistradong locator sa nasabing lugar.

Sa isa pang operasyon, nasamsam din ang ipinuslit na bagong BMW X5 na isinakay sa isang malaking PGA tow truck sa may bahagi ng Petron gasoline station sa Happy Valley, Dinalupihan, Bataan matapos itong ilabas sa ika-14 Gate sa 14th St., Brgy. Pag-asa, Olongapo City na natuklasang ginamitan ng huwad na plaka.

Ang nakumpiskang mga mamahaling behikulo ay dinala na sa bodega ng Auction and Cargo Disposal-Customs Clearance para sa kaukulang disposisyon. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments