Trak vs jeep: 4 patay, 8 grabe

MALVAR, Batangas – Apat-katao ang iniulat na nasawi, samantala, walo pang iba ang malubhang nasugatan makaraang salpukin ang pampasaherong dyip ng kasalubong na 18-wheeler container van truck sa kahabaan ng Southern Luzon Arterial Road sa bayang ito kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina Benjamin Tendero, 53, ng Sto. Niño, Calapan City, Oriental Mindoro; Ronald Martinez, 36, ng Sta. Teresita, Batangas City; Baby Ruth Balaguit, 40, ng Lipa City at Marina Abratigue, 37, ng Alitagtag, Batangas.

Samantala, ang mga biktimang malubhang nasugatan ay nakilalang sina Pastor Boy Manrique ng Cabuyao, Laguna; Loreto at Wilma Aldovino ng Sta. Teresita, Batangas; Lulu Tañada ng Calapan, Oriental Mindoro; isang nagngangalang Venus at anak nitong 10-anyos mula sa La Union; Emily Flores at Marjorie Garcia.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya, ang mga nasawi at nasugatan ay pawang sakay ng pampasaherong dyip (DLP-346) mula sa Lipa City patungong Caliraya, Laguna para sa retreat program ng Word for World Christian Fellowship.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bumabagtas ang sinasakyang dyip ng mga biktima nang salpukin saka mabagsakan ng container van ang dyip.

Lahat ng nasawi ay naipit sa ilalim ng sinasakyang jeep, samantala, ang pasahero ng trak ay walang anumang galos.

"Kung maagang dumating ang mga kasapi ng rescue team ay maililigtas sana ang mga nasawi sa pagkaipit, kaya lang huli na", ani ng isang survivor. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments