Kinilala ng pulis-San Jose ang mga biktimang sina Paul Henson, reporter; Boc dela Cruz, cameraman at kapwa crew ng television network ng ABS-CBN; Jiggy Manicad, reporter; Boy Gonzales, cameraman na kapwa crew naman ng GMA-7; Major Vicente Tomas, Lt. Melvin Magbanua at S/Sgt. Robinson Escaño, 1Lt. Paul Infante, pilot at S/Sgt. Joseph Albayda.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya, patungo sana ang chopper mula sa Camp Servillano Aquino, Tarlac sakay ang mga biktima sa nadiskubreng mass grave ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa nabanggit na barangay.
Bandang alas-12 ng tanghali nang biglang lumakas ang ihip ng hangin at humampas sa chopper na nagresulta upang mag-crash sa naturang lugar.
Pawang nakaligtas naman ang mga biktimang sugatan sa tulong ng mga nagrespondeng rescue team ng PAF maliban kay Dela Cruz na nagtamo ng malaking sugat sa mukha na ginamot sa San Jose City General Hospital.
Samantala, sa ulat ng militar na ang pupuntahan ng mga nakaligtas na biktima sa bumagsak na chopper ay ang pinaglibingan kay Aglipayan Pastor Dakila Lopez, 50 na dinukot ng mga rebelde noong Mayo 22, 2001 at sampu pang ibang hindi nakilala.
Ayon pa sa ulat, ang pagkakadiskubre sa mass grave ay base na rin sa ibinigay na impormasyon ng dating suporter ng NPA. (Ulat ni Danilo Garcia)