Sabungero dedo sa tari ng manok

ZAMBOANGA CITY – Isang sabungero ang iniulat na nasawi makaraang aksidenteng tamaan ng tari ng panabong na manok sa singit habang naghihintay ng kanyang laban sa loob ng Square Garden Cockpit center sa Barangay Sinunuc sa lungsod na ito, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktima na naubusan ng dugo bago pa maisugod sa ospital ay nakilalang si Elmer Mariano, 24, ng naturang lugar.

Naitala ng pulisya ang pangyayari dakong alas-4:20 ng hapon habang hinihimas ng biktima ang kanyang panabong na manok at biglang kumawala dahil sa may namataang kalabang manok.

Hindi napansin ng biktima na natanggal ang matalim na tari ng kanyang alagang manok at tumama sa singit. (Ulat ni Roel Pareño)

Show comments