Nakilala ang nadakip na si PO2 Thomas Jacob Sarmiento ng Pardo Police Station, Cebu City.
Base sa ulat, si Sarmiento ay dinakip ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bisa ng arrest warrant habang ito ay naka-duty sa nabanggit na police station.
Si Sarmiento ay isa sa anim na pangunahing suspek na sinampahan ng kasong kidnapping at double murder kaugnay sa pagdukot at pagpatay kina Dacer at driver na si Corbito.
Kapatid nito ang isa pa sa suspek na si Mario Sarmiento at malapit nitong kamag-anak na si Vicente Arnaldo.
Nabatid na si Sarmiento ay naging tauhan ni dating PNP Chief Panfilo "Ping" Lacson na ngayon ay Senator Lacson.
Itinanggi naman ni Sarmiento na may kinalaman siya sa kaso, kasabay nang pagsasabing pitong buwan lamang siyang nanilbihan sa PAOCTF at nang mawala si Dacer at ang driver nitong si Corbito ay wala na siya sa nasabing task force.
Magugunitang Nobyembre 2000 nang dukutin si Dacer at driver nito sa Makati City habang ang dalawa ay papunta sa Manila Hotel lulan ng kanyang puting Toyota Revo.
Mula noon ay hindi na nakita pa si Dacer na ayon sa ulat ay maaaring dinala sa Maragondon, Cavite at doon sinunog ng mga suspek. (Ulat ni Jo-Lising Abelgas)