Base sa pinagsamang ulat ng Health Department ng Caraga at ng National Commission of Indigenous People (NCIP) nakilala ang mga biktima na binubuo ng mag-inang Amelita, 21 at Jun-jun Anlagan, 1, magkakapatid na Jemil, 2 at Long-long Enriquez, 8 buwan, Joeben, 1 1/2 at German Bago at Filomena Munoz, 45, pawang mga nabibilang sa katutubong Mamanwa.
Nabatid pa mula sa tagapagsalita ng NCIP na si Nenita Catuburan na ang mga tribal barangay na kinabibilangan ng Mantigue, Sinawsawan, Kasagayan at Mambajo na tinamaan ng outbreak ng tigdas ay pinamumugaran din ng mga hinihinalang rebeldeng NPA at iba pang kriminal dahil sa ito ay nasa liblib na lugar na at may 30-36 kilometro ang layo mula sa kalunsuran.
Kabilang sa 39 na nasa kritikal na kundisyon ay sina Evelyn,11 at Lablab Lauro, Editha, 23, Vergel, 18, Joan, 47, Carla, 27, Roda, 39, Jenny, 25, William, 8, Emil, 11,Roque, 9 at Nenita 20 lahat ay pawang miyembro ng pamilya Bago.
Nabatid sa ulat ng Caraga Health Dept. na nagsimula ang pananalasa ng tigdas o measles noong Dis. 23 kung saan mahigit sa 20 agad ang inulat na isinugod sa Santiago Rural Health Center.
Bunsod nito ay agad na inatasan ni Agusan del Norte Gov. Maria Angelica Rossdel Amante ang mga health personnels sa lalawigan upang mangasiwa sa pagbibigay serbisyo sa dumaraming biktima.
Samantala ay iniulat ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa Mandaluyong na kasalukuyan pa nilang inaalam kung positibo nga ang mga biktima sa measles virus dahil may posibilidad na mas matinding virus pa ang nanalasa sa mga ito dahil sa bilis ng incubation ng virus at sa matinding killing potential nito na oras lamang ang binibilang. (Ulat ni Ben Serrano)