7 Chinese na illegal aliens nadakip

Pitong Chinese nationals na illegal na naninirahan sa bansa ang nadakip ng mga operatiba ng pulisya matapos na matukoy ang pinagtataguan ng mga itong commercial building sa lalawigan ng Cagayan de Oro City, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang mga inarestong Chinese illegal aliens na sina Kenneth Go, 36; Asin Sia, 39; Xu Yali, 19; Peter Yao, 22; Tian Shuan, 47; Xu Kong Que,21; at Ling Ya Guo, 39.

Ang mga suspek ay pawang tubong Mainland mula sa People’s Republic of China at pinaniniwalaang matagal ng overstaying sa bansa.

Batay sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame ang nasabing mga Chinese nationals ay nasakote bandang alas-12:30 ng tanghali nang lusubin ng mga operatiba ng Cagayan de Oro Police Office at Bureau of Immigration and Deportation ang Chavez Commercial Building sa nasabing lungsod.

Napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa illegal na paninirahan ng naturang mga dayuhan sa Cagayan de Oro City kung saan ay nagnenegosyo na umano ang mga ito dito.

Agad kumilos ang mga awtoridad at matapos ang isinagawang surviellance operations ay ni-raid ang pinagtataguan ng mga Chinese aliens.

Hindi na nakapalag ang mga nasukol na Chinese nang dakpin ng mga awtoridad matapos na mabigo ang mga ito na makapagbigay ng kaukulang dokumentong magpapatunay ng lehitimong paninirahan sa bansa.

Nahaharap ngayon sa kasong illegal entry ang mga naarestong Chinese nationals na itinun-over na sa kustodya ng BID para sa napipintong deportasyon ng mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments