Pusher tinodas habang tumatawag sa cellphone

IMUS, Cavite – Pinaniniwalaang may kaugnayan sa droga ang pagkakabaril hanggang sa mapatay ang isang 35-anyos na lalaki ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang biktima ay tumatawag sa cellphone sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu 2-C sa bayang ito kahapon ng umaga.

Hindi na umabot pa ng buhay sa pinagdalhang ospital si Reynaldo Maglian, may asawa ng 275 Barangay San Agustin, Dasmariñas, Cavite.

Naitala ni PO1 Edgardo Nario ang krimen dakong alas-5 ng umaga habang ang biktima ay pansamantalang tumigil sa pagmomotorsiklo dahil sa may tumawag sa kanyang cellphone.

Dito natiyempuhan ng mga killer na ratratin hanggang sa mapatay ang biktima.

Narekober ng pulisya mula sa bulsa ng biktima ang tatlong plastic sachet ng shabu, P470.00 cash money, belt bag na may flashlight at motorsiklo na may plakang DY-3691.

May palagay ang mga imbestigador na onsehan sa droga ang motibo ng krimen. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments