OFW nakuryente sa pangingisda, todas

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Maagang kinalawit ni Kamatayan ang isang bagong dating na manggagawa mula sa Saudi Arabia makaraang makuryente habang nangingisda sa ilog kasama ang ilang kaibigan sa Barangay Sta. Ines Bukid, Plaridel, Bulacan kamakalawa ng umaga.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang nasawing si Alberto Real, 33, ng nabanggit na barangay dahil sa lakas ng boltahe na pumasok sa kanyang katawan.

Sa ulat na isinumite kay P/Supt. Anastacio Inoncillo, hepe ng Bulacan PNP Intelligence and Investigation Branch (PIIB), nagkayayaang mangisda ang biktima at ilang kaibigan sa naturang ilog dakong alas-10 ng umaga.

Habang nakalusong sa tubig ang mga kaibigan ng biktima ay ikinabit naman nito ang linya ng kuryente sa poste ng Meralco ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay napahawak sa talop ng kable na dinadaluyan ng malakas na boltahe. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments