Drug pusher hinatulan ng bitay

TANAUAN CITY, Batangas – Hinatulang mabitay ang isang drug pusher na pinaniniwalaang miyembro ng prominenteng pamilya sa lungsod na ito makaraang mapatunayang nagbenta ng shabu may tatlong taon na ang nakalilipas.

Sa siyam na pahinang desisyon ni Tanauan Regional Trial Court Judge Voltaire Rosales ng Branch 83, pinatawan ng bitay ang akusadong si German Agojo, 42, ng Brgy. Cale sa lungsod na ito.

Bukod sa hatol na bitay ay pinagbabayad din ang akusado ng P.5-milyon dahil sa paglabag sa Republic Act 6425.

Base sa record ng korte, si Agojo ay dinakip ng pulis-Batangas noong Agosto 27, 1999 na nagbenta ng 206.32 gramo ng shabu sa nagpanggap na poseur buyer at nakumpiska ang P70,000 mark money na ginamit ng pulisya sa operasyon.

Makaraang maibenta ni Agojo ang shabu ay nagtuloy ito sa Mercado Hospital upang dalawin ang asawa ngunit nasundan siya ng mga awtoridad hanggang sa isagawa ang pagdakip.

Hindi naman pinaniwalaan ng korte ang alibi ng akusado na na-set-up lamang siya ng pulisya sa buy-bust operation.

Inilipat na sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City ang akusado habang nirerebisa ng Korte Suprema ang kanyang kaso. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments