Obrero binaril ng brgy. chairman, patay

PAGBILAO, Quezon – Nabahiran ng dugo ang ginanap na kasalan sa Barangay Ibabang Polo sa bayang ito makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang obrero ng brgy. chairman na pinalalagay na may namagitang alitan sa dalawa kamakalawa.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ng 9mm na baril si Papa Batocabe, 41, samantala, ang suspek na kaagad namang sumuko ay nakilalang si Leopoldo Amandy, 42, may asawa, brgy. chairman sa nabanggit na barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO3 Generoso Grezula, naitala ang krimen bandang alas-singko ng hapon makaraang magkita ang dalawa sa kasalan at nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Ayon pa sa ulat, umalis na lamang ang biktima at muling bumalik na may dalang itak at aktong tatagain si Amandy at nagawa nitong paputukan ng sunud-sunod ang biktima hanggang sa duguang bumulagta. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments