Tatlong biktimang napatay na pawang kasapi ng Bantay-Bayan ay nakilalang sina Rogelio Fuentes, 60; utol nitong si Danilo Fuentes, 65 at Marcial Manlapig, 73, samantala, ang nag-amok na napatay ng taumbayan ay nakilalang si Benedicto Leonardo, 43 ng nabanggit ding barangay at pinaniniwalaang may mga nakabinbing kaso sa Metro Manila.
Malubhang nasugatan naman si Alfredo Manlapig, 61, hepe ng grupo ng Bantay-Bayan na nagsasagawa ng pagrekisa sa mga gamit na ipinapasok sa sementeryo.
Sa ulat na isinumite kay P/ Supt. Mario dela Vega, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang trahedya bandang alas-5:30 ng hapon habang nakapila at nakihalubilo ang suspek sa pumapasok sa sementeryo.
Napag-alaman pa na kasalukuyang binubusisi ng mga kasapi ng Bantay-Bayan ang mga dala-dalang gamit ng mga taong pumapasok sa naturang sementeryo nang biglang paputukan ng suspek ang tatlo na kaagad namang bumulagta habang sumaklolo naman si Alfredo Manlapig ngunit pinaputukan din na ikinasugat naman ng malubha.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, naubusan naman ng bala ng baril si Leonardo kaya mabilis na tumakas ngunit isang putok ang umalingawngaw at kaagad na bumulagta pero hindi napuruhan kaya dinumog ng taumbayan at ginulpi hanggang sa mapatay.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naganap na pamamaril na pinalalagay na nairita sa mahigpit na ipinatutupad na seguridad sa naturang sementeryo. (Ulat nina Efren Alcantara at Joy Cantos)