Hindi naman nakapalag pa ang mga suspek na sina Abbix Salipada, Abdulla Disalao at Usman Disalao dahil sa natunugang nakapaligid na ang tropa ng militar sa kanilang safehouse sa nabanggit na barangay at pinakitaan sila ng warrant of arrest.
Ayon kay Army Major Julieto Ando, spokesman ng Armys 6th Infantry Division, ang tatlo ay responsable sa pagdukot sa mayamang mag-asawang negosyante mula sa Mlang, North Cotabato.
Aniya, ang tatlo ay tauhan ng kilabot na chieftain ng Pentagon na si Tahir Alonto na may patong sa ulo ng P5-milyon.
Positibo namang kinilala ng mga testigo ang tatlo na dumukot sa mag-asawang negosyante, drayber nito at nurse habang patungo sa General Santos City sakay ng Mercedez Benz van may apat na buwan na ang nakalilipas.
Nailigtas naman ng mga nagrespondeng pulis at militar ang mga biktima sa tulong na rin ni North Cotabato Governor Emmanuel Piñol at South Cotabato Governor Daisy Avance-Fuentes. (Ulat ni John Unson)