Hindi naman kinumpirma ng pamilya ng kinidnap na si Gina Liu So na nagbayad sila ng ransom money sa mga kidnaper, maging ang kapulisan ng Region 1.
Kinumpirma naman ni P/ Sr. Supt. Mario Sandiego, Tarlac provincial police director na si So ay pinalaya noong Martes ng madaling-araw, Oktubre 29, 2002 at naibigay na sa mga miyembro ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) upang makakuha ng impormasyon sa naganap na kidnapping.
Sinabi naman ni P/Sr. Supt. Paterno Hernandez, hepe ng Regional and Intelligence and Investigation Division na nahirapan sila sa follow-up operation dahil na rin sa hindi nakipag-ugnayan ang pamilya ni So na may-ari ng Golden Lumber at construction supplier sa Carmen.
Hindi naman nabatid ng mga awtoridad ang halaga na ibinigay ng pamilya So sa mga kidnaper dahil sa pangambang malagay sa bingit ng alanganin ang buhay ng biktima. (Ulat ni Myds Supnad)