Kinilala ng pulisya ang nasawing sundalo na si T/Sgt. Lindong Andaya, 38, ng Block 10 Camp Tinio Cabanatuan City, samantalang ang suspek ay nakilalang si M/Sgt. Luis Leocadio 47, ng Mapalad Sur Sta. Rosa Nueva Ecija, ay kapwa nakatalaga sa 525th Engineering Battalion, Philippine Army (PA) ng Capas Tarlac.
Nabatid sa isinasagawang imbestigasyon ni SPO2 Crispin Uson, ng PNP Capas Tarlac, bago naganap ang naturang duwelo ng dalawang sundalo ay nakita umano ang dalawa na magkasamang nag-iinuman sa isang lugar ng Navy Resettlement Area ng Capas, Tarlac.
Matapos ang inuman ng dalawa sa nabanggit na lugar ay kaagad nagsipasok ang mga ito sa loob ng kanilang barracks sa light Armored Brigade at doon nagsimula ang kanilang pagsisigaw at nagkaroon na ng mainitang pagtatalo na nauwi naman sa paghahamon ng laban.
Biglang kinuha umano ni T/Sgt. Andaya ang kanyang baril na M16 Armalite rifle at sabay nagpaputok sa itaas at dahil na rin sa bilis ng pangyayari ay inunahan na umano ni M/Sgt. Leocadio na pagbabarilin ang kanyang kaduwelo hanggang tuluyan bumulagta at nasawi sa nabanggit na kampo.
May teorya ang mga awtoridad na may matagal ng kimkim na galit sa kanilang mga dibdib kayat naisipan na lang ilabas ang sama ng loob sa pamamagitan ng pagduwelo. (Ulat ni Erickson N. Lovino)