Ito ang mariing sinabi ni P/Sr. Insp. Braulio Pascua, regional chief ng firearms and explosives section na kinakailangan ang karagdagang seguridad sa mga naturang pabrika dahil sa nalalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon pa kay Pascua na ang mga may-ari ng mga pabrika ng paputok ay nagsisimulang mag-import ng tone-toneladang pulbura na gagamitin sa ibat ibang uri ng paputok mula sa Tsina.
Idinagdag ni Pascua na posibleng pinaplano na ng mga terorista ang bomb target sa mga pabrika ng paputok upang mas malawak ang magagawang pinsala.
Sinabi pa ni Pascua na isang granada lang ang ihagis sa isang pabrika ng paputok ay siguradong aabot sa kilometrong lawak ang lilikhaing hukay at daang tao ang mapipinsala.
"Ito ay nangyari na may ilang taon na ang nakalilipas sa San Jose del Monte, Bulacan na sumabog ang pabrika ng paputok at nakuha ang pira-pirasong bahagi ng katawan ng tao may ilang kilometro ang layo," ani Pascua.
Kasunod nito ay nakipagpulong na ang mga awtoridad kay Celso Cruz, presidente ng pinakamalaking samahan ng pabrika ng paputok sa Bulacan upang pag-usapan ang seguridad at banta ng terorista.
Binalaan din ang mga mamimili ng paputok na bumili lamang sa mga lisensyadong tindahan na may wastong tatak na pangalan at control numbers upang maiwasan ang magaganap na trahedya. (Ulat ni Ding Cervantes)