Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief P/Director General Hermogenes Ebdane matapos iharap ng mga opisyal ng pulisya ang suspek at tatlo pa nitong naarestong mga kasamahan kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kinilala ang suspek na si Datu Musim Mamintal, isang dating mayoralty candidate sa bayan ng Pikit, Cotabato na sumuko kay Col. Cardozo Luna, 602nd Brigade Commander ng Philippine Army na nakabase naman sa bayan ng Carmen ng nasabing lalawigan.
Ang pagsuko ng suspek ay matapos dumanas ng pressure sa inilunsad na hot pursuit operations ng Task Force Lion Hunter, ang composite group ng Army, PNP at Local Government Units na binuo matapos ang madugong pambobomba sa public terminal ng Kidapawan City.
Nabatid na si Mamintal ay ikinanta ng isa sa tatlo pang nadakip na suspek na kinilalang si Datu Ali Sultan matapos itong positibong kilalanin ng dalawang babaeng nakasaksi sa pangyayari.
Si Ali at dalawa pang suspek na kinabibilangan ni Abdulagani Samama at Uldarico Palma Jr., ay iprinisinta kay Pangulong Arroyo.
Base sa report, si Sultan alyas Ali Kalantungan ay nasakote ng Task Force Lion Hunter sa Datu Ingkal St., Kidapawan City nitong nakalipas na Oktubre 16 habang sumunod namang nalambat sa isang follow-up operations sina Samama at Palma.
Ang tatlong naarestong suspek ay pawang hinihinalang mga drug pushers din sa kanilang lugar kung saan lumilitaw sa pangunang imbestigasyon na ang pambobomba ay may kinalaman sa pangingikil ng mga suspek sa Weena Bus Company.
Napag-alaman na dahilan sa pambobomba ng naturang grupo sa isang unit ng nasabing bus company noong Agosto 26, 2002 ay napilitan ang may-ari nito na magbigay ng P1.5 milyon revolutionary tax sa mga suspek o P500,000 kada buwan.
Isinagawa umano ang isa pang pambobomba matapos na tumanggi na ang may-ari ng Weena bus na ipagpatuloy ang pagbibigay ng malaking halaga sa grupo ng mga nangingikil na mga suspek.
Samantalang nauna na ring nagpalabas ng P1M reward ang pamahalaang lungsod sa suporta ni Pangulong Arroyo upang maresolba ang krimen.
Kasalukuyan na ngayong nakapiit sa detention cell ng Camp Crame ang mga suspek na nahaharap sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder. (Ulat ni Joy Cantos)