Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. General Eduardo Purificacion na bukod kina Marlon Tuballa at US Special Forces Master Sgt. Mark Jackson, isa pang Pinoy ang nasawi na pinaniniwalaang nagtanim ng bomba na si Bernard Limbo.
Si Limbo, 33, tubong Dipolog City ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Malaysia at pabalik na sana sa naturang bansa nang maganap ang pagsabog.
Ayon sa ilang saksi, nakita nila si Limbo na may ilang metro ang layo sa motorsiklo na kinabitan ng bomba bago ito sumambulat.
Kasalukuyang nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang AFP-Intelligence Service ukol sa posibleng kaugnayan ni Limbo sa grupo ng terorista ni Osama Bin Laden.
Kaugnay nito, apat na imbestigador mula sa US Embassy ang dumating kahapon sa Zamboanga City upang magsagawa ng kanilang hiwalay na imbestigasyon sa naganap na pagsabog.
Inilipad naman kahapon patungo sa Kadena Airbase sa Okinawa, Japan ang bangkay ni Jackson bago tuluyang dalhin sa Amerika.
Tinatayang aabot sa 21 pang katao ang malubhang nasugatan sa pagsabog malapit sa itinayong kampo sa naturang lungsod. Kasunod nito, kinundena naman ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang naganap na pangyayari. (Ulat nina Danilo Garcia at Ely Saludar)