Parak dedo sa mag-utol na wanted

DASMARIÑAS, Cavite – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang pulis-Dasmariñas ng magkakapatid na pinaniniwalaang matagal ng wanted sa batas habang ang biktima ay nag-iimbestiga sa kasong kriminal sa Brgy. Paliparan 3 sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na binistay ng bala ng baril ay kinilalang si SPO1 Wenceslao "Wency" Tubay, 35, may asawa, ng Camella Homes, Springville, North Bacoor, Cavite.

Tinutugis ng mga awtoridad sina Gilbert, Dondon at Edel Domingo na pawang residente ng Brgy. Salitran 3 sa bayang ito.

Sa ulat ni PO2 Edgardo Gallardo na isinumite kay P/Supt. Roberto Soriano, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang krimen dakong alas-5:30 ng hapon.

Si Tubay ay may mga hawak ng kaso laban sa mag-uutol at pinalalagay na natiyempuhan ng mga suspek na nag-iisa kaya isinagawa ang krimen. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments