Judge todas sa ambush

DAGUPAN CITY — Pinaniniwalaang hired killers na protektado ng ilang tiwaling politiko ang pumatay sa hukom ng Tayug Regional Trial Court makaraang tambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo habang ang biktima ay nagmamaneho ng kotse sa kahabaan ng tulay ng Sta. Maria, Sitio Cabaruan, Brgy. Bantog, Asingan sa lungsod na ito noong Biyernes ng hapon.

Tatlong tama ng bala ng kalibre 45 baril ang tumapos sa buhay ni RTC Presiding Judge Oscar "Gary" Merino Uson ng Branch 52, residente ng Amado district.

Si Uson, 56, na apat na taong naglilingkod bilang hukom sa bayan ng Tayug ay asawa ni Dr. Estrellita Uson, hepe ng pediatrics department sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City.

Base sa imbestigasyon ni SPO2 Patricio Badu Jr., minamaneho ni Judge Uson ang kulay pulang Mercedes Benz (PAE-212 patungo sa bayan ng Asingan nang tambangan bandang alas-4:05 ng hapon.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng kalibre 45 baril.

May paniniwala ang pamilya ni Judge Uson na may kaugnayan ang krimen sa kanyang trabaho dahil sa malimit na makatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Ayon sa ulat, naipakulong ni Judge Uson ang mga miyembro ng kilabot na ‘Aguila Gang’ sa kanlurang bahagi ng Pangasinan at mga kriminal sa silangang bahagi ng naturang lalawigan bago pa madestino sa kasalukuyang puwesto.

Sinabi naman si Loreta delos Santos, kapatid ni Judge Uson na ang mga killer ay protektado ng ilang politiko at hinamon niyang lumantad at ilabas ang tunay nilang kulay.

Ayon pa sa mga kapatid, pinagpipilitan nilang kumuha ng bodyguard si Judge Uson ngunit mariing tumatanggi ito at nagsabi na kung sakaling mamatay siya ay malinis ang kanyang konsiyensya at mamamatay dahil sa paglilingkod sa bayan.

Umapela naman ang pamilya ni Judge Uson kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tulungan silang malutas ang naganap na krimen. (Ulat ni Eva De Leon)

Show comments