Kinidnap na bata, pinalaya na ng mga kidnappers

ANGELES CITY, Pampanga– Ilang oras matapos na kidnapin ang isang batang lalaki na anak ng abogadong negosyante ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa harap ng kanilang bahay sa Don Bonifacio Subdivision noong Lunes ng umaga, ang iniulat na pinalaya na dahil sa pinaniniwalaang nagbayad ng ransom ang pamilya.

Base sa impormasyong nakalap sa source mula sa himpilan ng pulisya na ayaw ipabanggit ang pangalan, ang biktima na grade 4 pupil ay nakilalang si Martin Sandico na iniulat na kinidnap bandang alas-6:30 ng umaga sa harap ng sariling bahay habang pasakay ng L300 van papasok ng eskuwelahan.

Hindi naman kinumpirma o itinanggi ni P/Chief Supt. Angelo Pacia ang naganap na kidnapping dahil sa wala pa siyang natatanggap na ulat mula sa kanyang mga tauhan.

Sinabi naman ni Mayor Carmelo Lazatin na hindi naiulat sa kanya ni Pacia ang naganap na kidnapping, samantala, bineberipika pa kung nai-release na ang biktima

Gayunpaman, ang pangyayari ay ipinagbigay-alam naman ng mga residente sa kalapit na himpilan ng pulisya kaya nagkaroon ng palitan ng putukan sa pagitan ng mga tumutugis na pulisya at mga kidnaper ngunit nakalayo pa rin ang mga dumukot sa biktima sakay ng Mitsubishi Lancer na walang plaka.

Ang naganap na pangyayari ay napag-alaman lamang noong Lunes ng umaga.

Magugunita noong naunang buwan ng taong kasalukuyan ay may kinidnap din na negosyanteng Tsinoy na may-ari ng mall sa Angeles City at pinalaya lamang matapos makapagbayad ng ransom at hindi na humingi ng tulong sa pulisya. (Ulat ni Ding Cervantes)

Show comments