Duwelo: Trader patay

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang negosyante ang kumpirmadong nasawi sa naganap na duwelo ng kanyang kainuman sa Sitio Apugan, Brgy. Atlag, Malolos, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagtamo ng malalim na saksak ng patalim sa tiyan ay nakilalang si Rolando Caluag, may asawa ng Brgy. Panasahan sa bayang ito, samantala, ang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay nakilalang si Dario Barrera, 37, may asawa ng nabanggit na lugar.

Sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Supt. Edgar Acuña, Bulacan PNP provincial director, naganap ang duwelo bandang alas-7 ng gabi makaraang ilapag ni Barrera ang kanyang patalim sa mesa.

Ayon sa ulat ng pulisya, upang matapos na ang pagtatalo sa hindi nabatid na isyu ay hinamon ng suspek ang biktima na kung sino ang unang makadampot ng patalim sa mesa ay siyang panalo.

Nagsilayo naman ang mga kainuman ng dalawa sa mesa hanggang sa naunang nadampot ng suspek ang patalim at sinaksak ang biktima na ikinasawi nito. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments