Ex-Barangay Chairman itinumba sa gasolinahan

TALAVERA, Nueva Ecija – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dating barangay chairman ng hindi kilalang lalaki habang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa Brgy. Marcos sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Idineklarang patay sa Premiere General Hospital sa Cabanatuan City ang biktimang si Dominador Antonio, may asawa at dating punong-barangay sa Pulong San Miguel sa bayang ito.

Naitala ang krimen dakong alas-2:40 ng madaling-araw habang nakikipag-inuman ng alak ang biktima kasama ang mga kaibigang sina Tony Paulo, Ryan Pascual, Arwin Alarde at Allan Gutierrez sa gasolinahan nang bigla na lamang lapitan ng suspek.

Ayon sa ulat ng pulisya, walang nagawa ang mga kaibigan ng biktima sa naganap na krimen dahil sa bilis ng suspek na tumakas sakay ng tricycle. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments