Planta ng kuryente sa Batangas, pinabubusisi

CALACA, Batangas – Hiniling kamakalawa ni Balayan Councilor Meldos Castelo sa Sangguniang Panlalawigan na magpalabas ng resolusyon na nag-aatas sa pamunuan ng Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na masusing busisiin ang 600-megawatt Calaca coal-fired power plant na nagbubuga ng nakalalasong usok.

Dahil sa mercury pollution mula sa planta ng kuryente sa Brgy. Baclaran, Calaca, Batangas ay naapektuhan ang kalusugan ng mga residente na nagresulta sa pagkamatay ng siyam katao sa sakit na lung cancer noong 1997.

Labinsiyam pang iba ang kasalukuyang ginagamot sa sakit na pulmunary tuberculosis at ang karamihan ay may sakit na hika partikular na ang mga kabataan.

Noon lamang isang Linggo ay mariing ipinag-utos nina Senators Loren Legarda-Leviste at Sergio Osmeña III, Congressman Miguel Zubiri at Congresswoman Etta Rosales na isarado na ang planta ng kuryente dahil sa nadiskubreng may ibinubugang nakalalasong usok. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments