Sa limang pahinang reklamo ni Angelito Principio na isinumite sa Ombudsman sa Quezon City, sinampahan ng kaso sina Florence Chavez, provincial treasurer; Oscar Cruz, provincial assessor engineers offfice; Rey Maclang, provincial auctioner, Leonora del Rosario, Bustos municipal treasurer at Lauro Santos, Bustos municipal, assessor.
Si Principio na dating presidente ng Angat-Bustos-Pandi Irrigation Association (ANBUSPA) ay naghain ng kaso laban sa mga nabanggit na kawani dahil sa pagbebenta ng kanyang lupang sinasaka kay Dennis Villanueva ng Binondo, Maynila.
Inamin naman ni Principio na hindi siya nakakabayad ng kaukulang buwis sa sinasakang lupain sa loob ng walong taon sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Ayon pa kay Principio na hindi siya inabisuhan ng mga naturang opisyales na naibenta na pala ang kanyang lupa.
Sinabi pa ni Principio na tinanggap pa ng provincial treasurer ang kanyang ibinayad na buwis na nagkakahalaga ng P18,797 noong Abril 2002 bilang bayad, gayong naipagbili na pala ang kanyang sinasakang lupa noong Nobyembre 28, 2000.
Pinabulaan naman ng mga nabanggit na opisyales ang akusasyon ni Principio. (Ulat ni Efren Alcantara)