Idineklarang patay sa Batangas Regional Hospital ang biktimang si P/Senior Inspector Marcos Barte, 46, ng Brgy. Soro-soro, Batangas City at chief of police sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Nakaligtas naman sa naganap na pananambang ang drayber na si Roberto Gudoy at dalawa pang iba na sina Imelda Shin at Ronie Valiente na pawang mga residente ng Oriental Mindoro.
Samantala, ang suspek na positibong nakilala ng drayber ni Barte ay si Agripino Guevarra, alyas Boy at residente ng RK Subdivision, Barangay Kumintang Ibaba.
Base sa ulat na isinumite kay P/Supt. Restito Hernandez, hepe ng Batangas City police station, papasakay na ang biktima sa kanyang dyip na may plakang DLR-601 mula sa ginanap na party ng kaibigan nang lapitan ng suspek.
Ayon pa sa ilang kasama, tinanong ng suspek ang biktima kung siya ang hepe ng nabanggit na himpilan ng pulisya at nang tumango ay pinagbabaril na sa ulo at sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang mga pagbabanta sa buhay ni Barte bago isagawa ang krimen.
May palagay ang pulisya na nagkaroon ng matinding alitan ang biktima at suspek noong siya pa ang hepe ng pulisya sa Batangas City.(Ulat ni Arnel Ozaeta)