Sa 17-pahinang isinumite ni NBI Acting Regional Director Manuel Almendares sa Ombudsman, kinilala ang mga kinasuhan na sina P/Sr. Supt. Efren U. Anggo, hepe ng Caraga Regional PNP Task Force, Felix D. Gonzales, Butuan City police director, P/Sr. Insp. Reynaldo Batoon, Butuan City Western police precinct chief, Jose E. Patriana, Sr. at Diego Odchemar, Jr., kapwa Customs collector, Edgardo H. Tidalgo, Phil. Port Authority official, P/Insp. Adriano Bustillo, Jr.,, hepe ng PNP Maritime Group, Sr. Chief Petty Officer Abelardo Hernandez ng Phil. Coast Guard at limang pulis na sina PO2 Jeffrey Humaman, PO1 Nestor Almeda, SPO4 Domingo Luciano, Jr., PO3 Ignacio Espina at PO2 Jessie Doce na pawang miyembro ng Butuan City police office.
Ang pagsasampa ng kaso sa mga nabanggit na opisyales ng gobyerno ay tungkol sa hindi pag-aksiyon ng mga ito na mapigilang umalis ang M/V Rodeo noong Hulyo 12, 2002 sa daungan sa Lumbocan.
Ayon sa ulat ng NBI, lahat ng inakusahan ay nagtuturuan sa naganap na rice smuggling na nagresulta upang mawalan ng halagang P9 milyon buwis para sa pamahalaan.
Lumalabas din sa resulta ng laboratoryo ng National Food Authority na ang puslit na bigas na nakalagay sa 17,000 sako na may halagang P18.7 milyon ay hindi nagmula sa bansa bagkus ipinuslit mula Vietnam o kaya sa Thailand at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nakaalis ang naturang barko.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso dahil sa reklamo ni Butuan City Mayor Leonides Theresa Plaza na humingi ng tulong sa NBI upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa malawakang rice smuggling sa naturang lungsod. (Ulat ni Ben Serrano)