Misis napatay ng airgun ni mister

INFANTA, Quezon –Isang 51-anyos na misis ang kumpirmadong nasawi makaraang tamaan ng ligaw na bala habang nililinis ng kanyang mister ang baril sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Catambungan sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Claro M. Recto Hospital ang biktimang si Milagros Rotaquio, isang katulong sa simbahan, samantala, kaagad naman sumuko ang mister na si Paquito Rotaquio, 52, magsasaka at kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Mario Morfe, naganap ang pangyayari dakong alas-4 ng hapon habang nag-aayos ng gamit ang biktima na dadalo sana sa birthday celebration ni Bishop Julio Labayen.

Sa hindi inaasahang pagkakaton ay biglang pumutok ang nililinis na air gun ng suspek na converted sa kalibre 22.

Ayon sa ulat ng pulisya, tinamaan sa braso ang biktima saka tumagos sa katawan kaya minabuti ng asawa na dalhin sa naturang ospital ngunit may ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay binawian na ng buhay. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments