17 MILF rebels sumuko

MARAWI CITY – Dahil sa nagaganap na iringan sa pagitan ng kanilang mga lider at pagkakaroon ng mga paksyon, isang kumander, kasama ang 16 na tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sumuko sa pamahalaan, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, ang mga rebel returnees ay pinangungunahan ni Abdullah Dimasangkay, alyas Kumander Papa, lider ng 302nd Brigade, 3rd Field Division ng Bongsamoro Islamic Armed Forces.

Nakilala naman ang kanyang mga tauhan na sina Caan Langoyo; Moda Dansalan; Bakari Tomamas; Mohamad Arian; Macabadal Serad; Harip Mamalompong; Macoy Dahena; Carim Darimbang; Olowan Dimasangkay; Domado Dimasangkay; Norol Alonto Macabili; Mosa Langoyo; Pangarungan Macud; Macacuna Iman; Mangaron Iman at Saiki Sarip.

Isang negosasyon muna ang naganap sa pagitan ni Kumander Papa at ng 4th Civil Affairs Unit ng Philippine Army at local na pamahalaan para sa mapayapa nilang pagbabalik-loob. Dakong ala-1 ng hapon nang magtungo sa kampo ng militar ang mga rebelde at ibaba ang kanilang mga sandata.

Kasamang isinuko ng mga rebelde ang mga gamit na armas gaya ng 4 Garand rifles; 3 carbine rifles; 4 rocket propelled grenades; 3 caliber .45 pistols; M16 rifle; Ingram automatic pistol; Thompson submachine gun; Uzi pistol; 1 equalizer at caliber 9mm pistol.

Ang umiinit na bangayan ng kanilang mga lider at hindi na umano magandang kalakaran ng sistema sa loob ng organisasyon at pagkakaroon ng labanan sa pagitan ng iba’t ibang paksyon ang mga dahilan ng kanilang pagtiwalag gayundin upang samantalahin ang alok na amnestiya ng pamahalaan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments