Base sa naitalang records ng provincial Comelec, sa 568 barangays sa 24 na bayan sa naturang lalawigan, lumalabas na 1, 661 kakandidato sa pagka-barangay captain at aabot naman sa 11, 746 para sa barangay council.
Sa opisyal na listahan na nilagdaan ni Atty. Zoilo Perlas, provincial elections officer, lumilitaw na may 1,168 kandidato para sa pagka-SK chairmanship at 7, 132 sa SK council.
Ayon sa ulat ng Comelec, pinakamaraming kandidato sa pagka-brgy captain at brgy. council ay ang mga tinaguriang first class municipalities.
Kabilang sa mga tinatawag na first class municipalities ay ang bayan ng Baliuag na may 27 barangays at aabot sa 90 kandidato pagka-brgy. captain, samantala, 632 naman sa brgy. council, 63 para sa SK chairmanship at 398 sa SK council.
Naitala rin sa 59 barangays sa lungsod ng San Jose del Monte ang bilang na 220 kakandidato sa pagka-brgy. captain, 1, 663 bilang brgy. council, 150 sa SK chairmanship at 891 para sa youth council.
Sa Doña Remedios Trinidad na may pinakamalaking land area ay may walong barangays subalit aabot lamang sa 21 kandidato sa pagka-brgy. captain at 155 naman sa brgy. council, 17 sa SK chairmanship at 106 naman sa SK council.
Sinabi naman ni P/Sr. Supt. Edgardo Acuña, Bulacan PNP provincial director na kasalukuyang pa nilang inaalam ang mga lugar na election hotspot at kapag natukoy na ay kaagad na magpapakalat ng mga tauhan ng pulisya upang maseguro ang matahimik na halalan.(Ulat nina James Mananghaya at Efren Alcantara)