Sa pahayag ni Major Julieto Ando, Armys Spokesman, sumiklab ang sagupaan malapit sa bayan ng Maguindanao noong Martes ng hapon laban sa tinatayang aabot sa apatnapung armadong miyembro ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tinaguriang "Pentagon".
Nabatid sa ulat ng militar, namataan ng ilang residente na may mga armadong kalalakihan ang naglalakad sa kanilang barangay malapit sa nabanggit na bayan kaya kaagad nilang ipinagbigay alam sa pinakamalapit na kampo ng militar.
Sinabi pa ni Ando na mabilis naman nagresponde ang tropa ng militar upang beripikahin ang natanggap na impormasyon ngunit hindi pa sila nakalalapit sa itinurong lugar ay sunud-sunod na putok ang sumalubong sa kanila.
Gumanti naman ng putok ang tropa ng militar laban sa mga rebelde hanggang sa mapatay ang siyam na kasapi ng kidnap-for-ransom gang at ikinasawi naman ng dalawang sundalo.
"Ang nakasagupa ng militar ay lost command ng MILF at responsable sa pag-kidnap sa negosyanteng Koreano partikular na ang isang Chinese engineer at Italyanong pari na si Giuseppe Pierantoni", ani Ando.
Kasalukuyan pang hawak ng iba pang rebelde ang negosyanteng Koreano na si Yoon Jae-Kun simula pa noong Pebrero 6, 2002.(Ulat ni Boyet Jubelag)