Nasawi sa shootout sina Arnel Barbaza, isang ahente ng ISAFP na nakadestino sa Camp Aguinaldo at Mario Castro, kasapi ng kilabot na gun running syndicate.
Samantala, malubhang nasugatan ang dalawa na sina Laurence Torres ng Alaminos, Laguna at Pacencio Malbeda ng Sto. Tomas, Batangas na ngayon ay mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad.
Masusi namang sinisiyasat ng NBI ang mga suspek na sina Nato Malbeda, Celso Esconde, Leonardo Bautista, Carlos Malbeda, Romeo Pandinio, Nestor Landicho, Octabio Escarez, Malvin Bautista, Robert Castro, Rommel Vidal, Leonardo Levia, Alfredo Cortez, Danilo Cortez at Urbano Quizon na pawang mga residente mula sa ibat ibang barangay sa Batangas.
Base sa ulat, isang warrant of arrest ang ipinalabas ni Manila RTC Judge Enrico Lansanas, Branch 7 laban kay Armando Lucido na responsable sa pag-kidnap at pagpatay kay Jesus Cabalza noong nakaraang buwan.
Patungo ang mga awtoridad sa pinagkukutaan ni Lucido sa Brgy. Pantay-Matanda upang i-serve ang warrant of arrest nang salubungin sila ng sunud-sunod na putok na ikinasawi kaagad ni Barbaza.
Kaagad naman gumanti ng putok ang mga ahente ng ISAFP, NBI at pulisya hanggang sa mapatay si Castro, samantala, ikinasugat ng malubha nina Malbeda at Torres. (Ulat nina Ed Amoroso, Joy Cantos at Ellen Fernando)